Sunday, October 14, 2007

Ang suklay ni Lola
ni: Bea Pamen
Noong unana panahon ay may batang babae na nagngangalang Sarah. Mahal na mahal ni Sarah ang kanyang pamilya kaya naman ang lahat na iutos sa kanya ay ginagawa niya. Ang isa sa mahilig niyang gawin ay ang pagsuklay sa mahabang maputing buhok ng kanyang lola. Tuwing sinusuklay niya ang buhok nito ay kinukwento niya ang lahat ng nangyayari sa kanya kaya naman mas malapit siya sa kanyang lola kesa sa kanyang mga magulang. Isang araw habang sinusuklayan niya ang kanyang lola ay napansin niyang ang daming naglalagas na buhok. Natakot siya dahil akala niya ay kasalanan niya ito kaya naman nagpasya siyang tanungin ang kanyang ina. Noong nasa pinto na siyang ng silid ng kanyang mga magulang ay narinig niyang sinasabi ng kanyang ina sa kanyang ama na lumalala na daw ang sakit ng kanyang lola dahil sa mabilis kumalat ang cancer cells at konting panahon na lang ang nalalabi para makasama nila siya. Nang marinig ito ni Sarah ay umiiyak siyang pumunta sa kanyang lola na nasa kabilang kwarto. "Bakit ka umiiyak, o mahal kong apo" nanginginig at mahinang sabi ng kanyang lola. "Totoo po bang kaunti na lang ang natitira panahon na makakasama ko po kayo?" sumisinok na tanong ni Sarah. Kinuha ng kanyang lola ang suklay at ibinigay ito kay Sarah. Hinawakan niya ang mukha ni Sarah at tinignan siya ng diretso sa mata at nakangiting sinabi "binibigay ko na sa iyo itong suklay ko. Isa itong palatandaan na kahit saan man ako magpunta ay hindi kita iiwan at mahal na mahal kita." Kinuha ito ni Sarah at nagpasalamat. Pagkalipas ng ilang araw ay pumanaw na ang kanyang lola, hindi ito kaagad na natanggap ni Sarah kaya naman nasa kwarto lang siya at walang tigil na umiiyak. Noong tinaas niya ang kanyang ulo ay nakita niya ang suklay na bigay sa kanya ng kanyang lola, kinuha niya ito at tinitigan ng ilang minuto. Bigla siyang ngumiti at binulong sa hangin ang mga katagang "mahal ko rin po kayo lola."

No comments: